|
Hindi ko pa man narinig ang mga salitang lumalabas mula sa pinagmulan nito, naramdaman ko nang inihagis mo sila patungo sa akin. Ako, na handang saluhin sila ng walang nakatikom na daliri. Nakita na kita. Noon pa. Ikaw at ang iyong pambihirang anyo. Naihalo ako, kasama ng isang milyon pang mga matang nagnigningning nang magisnan nila ang iyong mga ngiti. Mga ngiting nakadikit sa birtwal na larawan. Mga matatamis na ngiting iisa ang hulma. Sabi mo, alayan kita ng mga salitang higit pa sa matalinghaga. Siguro, ito na yun. Siguro, hindi pa ito yun. Malamang, darating din tayo dun. Sa panahong naghilom na pareho ang ating mga sugat. Di ba sabay nating lakbayin ang daan patungo sa bahagharing bigay ng paglaya? Oo, nakikita kita. Ikaw at ang maraming mong imahe. Pero, sana nga't makita na kita. Magkaibang mundo man, nagsasalubong din kaya ang ating mga hinahangad? Alam mo ang kasagutan at sana'y maiparating mo rin ito tulad ng iyong mga salita na lumabas mula sa pinagmulan nito. Sa iyo. Hindi ko man hawak ang lahat ng susing bubuksan ko para sa'yo, alam kong andiyan ka lang naman. At andito lang ako. Paano siya? At sila? Ang isang milyon pang mga matang nakatingala sa'yo? May sagot naman. Pag nagkita na ang ating mga mata. |
| Leave a Comment: |