|
Hindi ko na nababasa at naririnig ang mga salitang dati ay namumutawi mula sa iyong mga labi. Alam kong andiyan ka lang naman. At ang paghihintay ay madaling gawin para sa mga pusong nagtitiwala. Sa isang iglap, tulad ng malakas na ulan na nagbabadya ng kanyang galit sa gitna ng maalikabok na tag-araw, ika'y nawala. Walang pasubali, hindi na kita naramdaman. Walang narinig na bulong o madama man lang ang pinakamaliit na haplos ng hangin mula sa sulok na iyong kinalalagyan. Siguro nga, mas madaling isipin na naglaho ka na ngang tuluyan. O masyado lang napaaga ang pagkaputol ng manipis na lubid na nagtutulay sa ating mga kaluluwa. Hay. Andali namang mapigtas ng pagkagapos natin. Sa isang kurap, ako'y nahulog. Hindi lang sa bangin ng kawalan kundi mula rin sa pag-asang ako'y iyong sasaluhin at hindi hahayaang dadampi ang mga paa ko sa maputik na lupa. Andali. Ambilis. Nasaan na ang kamalayang dati ay tinangay mo, kasama ng kasiguraduhang nandiyan ka lang. Isang pangako, magsimula nang ako'y ninakaw mo mula sa totoong nagmamay-ari sa akin. Ngayon, ni pagpapaalam ay hindi ko narinig magmula sa'yo. O masyado lang ba akong nabingi sa pagpaparaya na hindi naman dapat? Isang pagtatapos sa bagay na hindi pa man halos nagsisimula. Sana, maririnig pa rin kita. Kasinlakas at kasintamis ng mga salitang dating namutawi sa iyong mga labi nung pagkakataong una mo akong tinangay. Sana, hindi pa mangyayari ang nakakatakot na pagtatapos. Dahil hindi pa ako handang magpaalam. |
| Leave a Comment: |